Breakup? Derek Ramsay, Andrea Torres unfollow each other on social media

Breakup? Derek Ramsay, Andrea Torres unfollow each other on social media

Hindi pinalampas ni Derek Ramsay ang malaswang komento ng isang netizen tungkol sa nababalitang breakup nila ni Andrea Torres.

Lunes, November 16, nang kumalat ang usap-usapan sa social media na hiwalay na ang 43-year-old hunk actor sa 30-year-old sexy actress.

Kaagad kasing napansin ng followers ng Kapuso couple na deleted na sa kani-kanilang Instagram account ang mga pictures nilang magkasama.

Hindi na rin pina-follow ni Andrea sa Instagram si Derek, bagamat naka-follow pa ang aktor kay Andrea.

Lunes ng gabi, kinumpirma sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng source na malapit kay Andrea na break na nga ang dalawa.

Gayunman, at press time ay hindi pa opisyal na kinukumpirma ng sinuman kina Derek at Andrea na nagtapos na ang mahigit isang taon nilang relasyon.

DEREK VS “BASTOS” BASHER
Ngayong Martes ng umaga, November 17, nag-post si Derek sa Instagram ng ad campaign photo ng isa sa kanyang endorsements.

Sa comments section, maraming Instagram followers ng aktor ang nanghihingi ng kumpirmasyon kung totoo bang hiwalay na sila ni Andrea.

Hindi sinasagot ni Derek ang alinman sa mga ganoong komento—pero may ilang hindi niya nagawang palampasin.

Gaya ng isang lalaking netizen, na nagkomento sa thread ng isang Instagram user na nagtatanong kung bakit wala na ang mga litrato ni Andrea sa Instagram wall ni Derek.

Reply ng netizen sa thread (published as is): “tapos napo tikiman [face with tears of joy emoji]”

Tinag ni Derek ang netizen nang sabihan niya ito ng “bastos.”

NO “FOREVER” RELATIONSHIP FOR DEREK
Isa pang lalaking netizen ang nagkomento na natuloy raw pala sa “real-life sex” ang maiinit na eksena nina Derek at Andrea sa “taping.”

Tinutukoy ng netizen ang Kapuso teleseryeng pinagtambalan nina Derek at Andrea noong 2019, ang The Better Woman.

Dagdag ng netizen, napatunayan nitong totoo ang nabasa niyang komento noon, sa isa sa mga unang litrato nina Derek at Andrea, na ang relasyon ng dalawa “won’t be forever or for long.”

Nag-reply rin si Derek sa opinyon ng isang lalaking netizen, na nagsabing marahil daw ay “not into marriage” talaga ang aktor kaya laging nauuwi sa hiwalayan ang mga relationships nito.

Kinontra ito ni Derek: “i think you are wrong.”

DEREK’S “NEW VICTIM”
Samantala, napakomento rin ang isang babaeng netizen sa latest post ni Derek, na wala namang kinalaman kay Andrea.

Sinabi ng babaeng netizen na ang “new victim” ni Derek ay ang magiging “new love team” nito.

Lahat daw kasi ng naitatambal sa aktor ay nagiging nobya nito.

Binanggit pa ng netizen na masuwerte raw si Derek na wala itong anak na babae, dahil “kng naging babae anak mo, you will feel the same feeling ng babaeng sinaktan mo.”

May isang anak na lalaki si Derek, ang teenager na ngayong si Austin.

Kapansin-pansin namang ang unang bahagi lang ng comment ng netizen ang sinagot ni Derek.

Mariing pinabulaanan ng aktor na nakakarelasyon niya ang mga nakakasama niya sa pelikula o teleserye.

“Andrea is the only leading lady I had that became my gf,” sabi ni Derek.

Kabilang sa mga ex-girlfriends ni Derek ang model na si Joanne Villablanca, at ang mga aktres na sina Angelica Panganiban, Cristine Reyes, at Solenn Heussaff.

Ex-wife naman ni Derek ang Filipina-Indian model na si Mary Christine Jolly, ang ina ni Austin.

DEREK AND ANDREA
April 2019 nang lumipat si Derek sa GMA-7 matapos ang ilang taon bilang ABS-CBN talent.

Nang sumunod na buwan, sinimulan na ni Derek ang taping para sa The Better Woman kasama si Andrea.

Pagsapit ng June 6, kinumpirma ni Derek sa PEP.ph na hiwalay na sila ng longtime girlfriend niyang si Joanne.

Si Andrea pa nga noon ang itinuturong third party sa breakup nina Derek at Joanne.

Kapwa ito itinanggi nina Derek at Andrea.

Pero nang sumunod na buwan ng July, lumakas ang usap-usapang may namumuo ngang espesyal sa pagitan ng The Better Woman stars.

At pagsapit nga ng September 2019, inamin na nina Derek at Andrea na mayroon silang romantic relationship.

Kasunod niyon, madalas nang nababanggit ni Derek sa media interviews na si Andrea na ang babaeng nais niyang makasama habambuhay.

Sa katunayan, sa isang panayam kay Derek noong April 3, 2020, ibinalita ng aktor na plano niyang bumuo na ng sariling pamilya “very soon.”

Binanggit din ni Derek sa nasabing interview na ibibigay niya ang bonggang kasal na pinapangarap ni Andrea.

“I want only a small wedding,” sabi noon ni Derek. “But again, if Andrea wants something bigger, then we have to give her that.”

 

Fonte :

Comentários

0 comentários